The Association of Philippine Broadcasters (KBP) Albay Chapter condemned the shooting of media practitioner Noel Samar in Barangay Morera, Guinobatan, Albay.

Kinondena ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) Albay Chapter ang pamamaril sa media practitioner na si Noel Samar sa Barangay Morera, Guinobatan, Albay.


Ayon kay KBP Albay Chapter President Reynard Sevillano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na bagama’t iba ibang organisasyon ang kinabibilangan ng mga media practitioners sa lalawigan, nasaktan sila sa sinapit ng isa nilang kasamahan.


Nagdulot aniya ng takot at pangamba ang insidente para sa kaligtasan ng kanilang mga kasamahan sa industriya.


Sinabi pa niya ang patungkol sa realidad ng trabaho ng mga nasa media na hindi maiiwasang may makabangga na mga makapangyarihang indibidwal o may hindi matutuwa sa kanilang mga pahayag.


Binigyang-diin ng opisyal na ang lahat ng mamamahayag ay dapat protektahan at humingi ng respeto sa kanilang trabaho sa gitna ng mga hamon.


Nais nila ngayon ang mabilis na pananagutan ng mga taong nasa likod ng pamamaril kay Samar upang makamit nito ang hustisya at panahon na umano upang ipakita ng mga awtoridad na may pangil ang batas.


Bukas din ang kanilang organisasyon sa anumang magagawa nila para makatulong sa pamilya ng nasabing media personality.


Sa kabila ng mga insidente, nanawagan si Sevillano sa kanyang mga kapwa media practitioners na maging maingat at patuloy na maging mapagbantay at responsable sa paghahatid ng balita.