LEGAZPI CITY—Naka-red alert status ngayon ang Coast Guard Catanduanes kasunod ng binabantayang bagyong Ramil.
Ayon kay Coast Guard Station Catanduanes Commander Lieutenant Junior Grade Kees Villanueva, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naka-standby na ang kanilang Deployable Response Team para sa posibleng deployment sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Catanduanes.
Nag-check in na rin aniya ang kanilang opisina sa provincial Emergency Operations Center.
Dagdag pa ni Villanueva, naka-standby na rin ang kanilang mga kagamitan na magagamit sa kanilang pagresponde.
Walang naman aniyang napa-ulat na stranded na pasahero sa mga pantalan ng Catanduanes, ngunit ayon sa kanilang inisyal na datos, apat na rolling cargoes ang na-stranded na nakatakda sanang bumiyahe patungong Tabaco, Albay.
Samantala, pinayuhan din ng opisyal ang mga mangingisda na iwasan muna ang pagpunta sa laot, at dapat din aniyang alamin ng mga residenteng malapit sa baybayin ang mga evacuation plan ng kanilang munisipyo o barangay.
Gayundin na maging alerto at patuloy na magsubaybay sa kasalukuyang kalagayan ng panahon sa bansa.