PPA-PMO BICOL

LEGAZPI CITY—Kanselado ang lahat ng biyahe sa lahat ng pantalan na sakop ng Port Management Office – Bicol dahil sa posibleng epekto ng Bagyong Ramil.


Ayon kay Philippine Ports Authority Bicol Media Relations Officer, Achilles Galindes, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, partikular na sinuspinde ang mga byahe sa mga lalawigan ng Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, maging sa Masbate.


Batay sa kanilang datos, may kabuuang 1,122 bilang ng mga stranded na pasahero kung saan 214 dito ay mula sa Pio Duran port; 384 sa Tabaco Port; 293 sa Matnog Port; sa Bulan ay may 80 na stranded na pasahero at sa Castilla naman ay nasa 160 na driver at pahinante ng truck ang stranded.


Samantala, nasa 364 na rolling cargoes din aniya ang na-stranded na karamihan ay mula sa Port Management Office Matnog, Sorsogon.
Dahil dito ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa local government units, Philippine Coast Guard, Maritime Industry Authority (MARINA) at mga shipping companies kaugnay ng paghahanda sa nasabing bagyo.


Samantala, pinaalalahanan din ni Galindes ang mga pasaherong kasalukuyang nasa mga pantalan na manatiling kalmado at makipag-ugnayan sa kanilang mga ahensya, PCG at MARINA, gayundin sa mga local government unit kung sakaling kinakailangan ang kanilang tulong.


Gayundin na huwag munang bumiyahe dahil kanselado pa rin ang mga biyahe sa pantalan, at manatili aniyang nakatutok sa mga balita tungkol sa pagbabawi ng kanselasyon ng biyahe ng mga barko.