LEGAZPI CITY– Natapos na ang epekto ng Southwest Monsoon o “Habagat” sa bansa, ngunit ang epekto ng “Hanging Amihan” o Northeast Monsoon ay inaasahan mula sa huling araw ng Oktubre hanggang unang linggo ng Nobyembre.
Ayon kay Masbate Chief Meteorological Officer Riza Bartolata, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bago magsimula ang “Hanging Amihan” ay magkakaroon ng transition kung saan ang epekto ng easterlis o hangin mula sa silangan ay inaasahang magdadala ng maalinsangang panahon at pagkidlat-pagkulog.
Nilinaw din ng state weather bureau na ang pagtatapos ng hanging habagat sa bansa ay hindi nangangahulugan na magsisimula na ang amihan season kung saan lilipat na sa malamig na hangin ang karaniwang mararanasan hanggang Pebrero at unang araw ng Marso.
Tatagal din aniya ang epekto ng “Hanging Amihan” ngayong taon at magdadala ng mga pag-ulan lalo na sa bahagi ng Bicol Region, Samar, Leyte, at silangang bahagi ng Luzon.
Inaasahan na dadaan din aniya ang mga bagyo sa kalupaan sakaling maramdaman ang epekto ng “Hanging Amihan” sa bansa na karaniwang tumatama sa Bicol Region, Visayas, North Eastern Mindanao mula Oktubre hanggang Disyembre.
Mas maraming track ang bagyo tuwing amihan season at inaasahan din ang epekto ng shearline o Low Pressure Area (LPA).
Dagdag pa ng opisyal, na aabot sa 7 bagyo ang inaasahan hanggang sa katapusan ng Disyembre.
Nagbabala rin ang opisyal na hindi lamang ang gobyerno ang dapat maging handa, kundi pati na ang lahat dahil sa posibleng panganib na dulot ng mga sakuna sa panahon amihan season.