LEGAZPI CITY—Nagsimula nang maglikom ng resources ang Department of Education Schools Division Office Albay —in cash man o in kind para sa kanilang ALBAYanihan para sa MASBATE upang matulungan ang mga estudyante, guro at iba pang indibidwal na nasalanta ng Bagyong Opong sa Masbate.
Ayon kay Schools Division Office Albay Spokesperson Froilan Tena, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ilan sa mga pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo sa Masbate ay kagaya ng maiinom na tubig, trapal, pagkain at iba pa.
Dagdag pa niya, pagkatapos ng selebrasyon ng World Teacher’s Day sa bayan ng Guinobatan, nakatakda rin silang personal na mamigay ng mga paunang tulong ng kanilang tanggapan sa DepEd Masbate sa Lunes, Oktubre 6.
Nanawagan din si Tena sa kanyang mga kasamahan sa DepEd at sa iba pang stakeholders na maaari silang magpa-abot ng tulong sa sa pamamagitan ng pagpunta sa kanilang opisina dala ang kanilang gustong ibigay na asistensya para sa mga naapektuhan ng bagyo sa nasabing lalawigan.
Samantala, pinasalamatan din ng kanilang tanggapan ang mga gurong nakilahok sa paghahanda para sa pagdiriwang ng World Teacher’s Day.