LEGAZPI CITY—Kinondena ng grupo ng mga magsasaka ang nadiskubreng mga ghost farm-to-market road projects na nagkakahalaga ng P75 milyon sa Mindanao.
Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, sa panayam ng Bombo RadyoL Legazpi, malaki ang nakukurakot sa ganitong mga farm-to-market road projects dahil taon-taon ay naglalaan ang Department of Agriculture (DA) ng malaking pondo rito.
Ayon sa kaniya na bunsod nito ay hindi nakakamit ang layunin ng DA na mapabilis ang daloy ng mga produkto ng mga magsasaka patungong merkado na magreresulta sana sa mababang presyo, ngunit hindi ito nangyayari dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkaing pang-agrikultura.
Binigyang-diin ng opisyal na ang mga naturang proyekto ng gobyerno ay hindi para sa food security ng bansa at hindi para maging mura ang produktong pinagbibili sa merkado kundi para umano sa interes ng mga negosyante.
Dagdag pa ni Estavillo, dapat na maging batas ang Freedom of Information kung saan nakalagay rito ang mga detalye ng lahat ng proyekto ng gobyerno upang mahikayat ang komunidad na subaybayan ang mga proyektong ipinatutupad sa kanilang lugar, gayundin na dapat maging bukas din ito sa kritisismo.
Nanawagan din ang opisyal na ang pondong inilaan sa flood control projects ay gamitin na lamang para sa subsidiya sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng bigas sa bansa.