The resignation of Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co as a lawmaker has drawn mixed reactions from Albayano youth.

LEGAZPI CITY- Inihayag ng isang political analyst na ang party list law ang magiging batayan tuwing magkakaroon ng vacant seat sa Kongreso.

Ito ay kasunod ng pagbibitiw ni dating Ako Bicol Party list Representative Zaldy Co bilang mambabatas sa gitna ng mga kinakaharap na kontrobersiya kaugay ng maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sa ilalim ng batas, ang nominee na susunod sa listahan ang maaaring humalili para sa mababakanteng pwesto sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Aminado kasi ito na hindi maaaring pigilan ang pagbibitiw ng isang mambabatas.

Sa kabila nito ay sinabi ni Yusingco na kinakailangan pa ring magpaliwanag ni Co sa mga kinakatawan nito hinggil sa pasya na pagbaba sa pwesto.

Matatandaan na inuugnay si Co sa mga kontrobersiya ng flood control projects sa bansa, bagay na itinatanggi nito.

Una na rin siyang hinikayat na umuwi sa Pilipinas subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa batid ang eksaktong lokasyon ng kinaroroonan ng dating mambabatas.