LEGAZPI CITY—Mahigit sa 183,000 pamilya ang apektado sa buong Bicol matapos tumama ang Bagyong Opong sa rehiyon, ayon sa ulat ng mga otoridad.

Ayon kay Office of Civil Defense Bicol Spokesperson Gremil Naz, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 28,000 pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers, ngunit aniya’y posibleng bumaba ito dahil may mga nai-ulat nang nag-decamp sa iba’t ibang lugar sa Bicol.

Ayon sa pinakahuling datos ng ahensya, 64 na bahay ang naitalang partially damaged, isa rito ay naitala sa Gubat, Sorsogon at dalawa sa Barcelona, ​​​​Sorsogon.

Aniya ang nakapasok pa lang na ulat sa kasalukuyan tungkol sa number of damaged of houses ay mula sa bayan ng San Jacinto, Masbate na may 18 totally damaged houses at 62 partially damaged houses.

Ayon kay Naz, tiniyak din ng local government units na may masisilungan ang mga residenteng nasira ang mga bahay.

Dagdag pa niya, tatlong indibidwal din ang namatay sa kasagsagan ng bagyo partikular na sa lalawigan ng Masbate—dalawaa ang mula sa Masbate City at isa mula sa bayan ng Monreal.

Wala naman umanong naiulat na nawawalang indibidwal sa pananalasa ng Bagyong Opong sa Bicol.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin na ina-update mga nasabing datos dahil marami pang reports ang ipinapasa sa kanilang opisina.