LEGAZPI CITY—Aabot sa P6.1 milyon ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Albay kasunod ng Bagyong Opong.
Ayon kay Albay Provincial Agriculture Office Assistant Agriculturist Daryl John Buenconsejo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, base sa partial reports ng kanilang tanggapan, nasa P4.8 milyon ang tinatayang halaga ng pinsala sa mga rice farm areas habang aabot sa P1.3 milyong pinsala sa high value crops.
Aniya nasa limang local government units na ang nagpasa ng kanilang mga report tulad ng Ligao City, at mga bayan ng Malilipot, Oas, Guinobatan, at Malinao kung saan naitala sa mga ito ang mga pinsala sa agricultural commodities partikular sa rice farm na nasa 115 ektaryang area ang naapektuhan.
Ayon sa opisyal, ilang LGUs ang hindi pa nagsusumite ng datos sa kanilang tanggapan—kung kaya ang mga nasabing limang lugar pa lang ang kanilang nakukuhang impormasyon, sa kabilang banda, aniya ang mga ito ay subject for validation pa.
Karamihan sa mga nasira ay mga palay at gulayan kung saan ang mag ito ay natumba dahil sa malakas na hangin na dulot ng bagyo.
Dagdag ni Buenconsejo na ang mga datos na kanilang nakalap ay ipinasa na sa Department of Agriculture kung saan kanilang titingnan kung anong klaseng tulong ang maibibigay sa mga apektadong magsasaka.
Samantala, mensahe ng opisyal sa mga magsasaka at mangingisda na handa silang magbigay ng tulong lalo na nitong mga nagdaang kalamidad.