LEGAZPI CITY—Naging mapayapa ang isinagawang kilos-protesta laban sa korapyson noong Setyembre 21 sa lalawigan ng Albay, ayon sa mga awtoridad.


Ayon kay Albay Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Nuñez, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa katunayan aniya ay nakipag-ugnayan ang mga raliyista sa kanilang tanggapan patungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin gayundin kung ano ang maibibigay na tulong ng mga kapulisan sa panahon ng nasabing protesta.


Nagbigay umano ang kanilang opisina ng traffic direction and control kung saan sila ay tumulong din upang matiyak ang kaligtasan ng mga raliyista.


Dagdag pa ng opisyal na nasa 600 hanggang 700 indibidwal ang nai-ulat na nakilahok sa protesta.


Aniya nagsimula ang aktibidad sa Redemptorist Church at nagmarts ang mga ito patungo sa Rotonda ng nasabing lungsod.


Ayon kay Nuñez, nasa humigit-kumulang 100 kapulisan ang kanilang ipinakalat sa nangyaring pagpoprotesta.


Samantala, wala rin silang naitalang anumang untoward incident sa naturang aktibidad.