LEGAZPI CITY—Patuloy ang pagsagawa ng pre-emptive evacuation sa Barangay Masarawag, Guinobatan Albay kasunod ng malakas na pag-ulan na nagresulta sa pagbabaha sa lugar.
Ayon kay Guinobatan Mayor Ann Gemma Ongjoco, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, patuloy ang pagtutulungan ng kanilang lokal na pamahalaan, Philippine Army, provincial government ng Albay, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang mabilis na mailikas ang lahat ng apektadong residente.
Sa kasalukuyan, inilikas na ang mga apektadong indibidwal sa evacuation center sa Barangay Mauraro kung saan nakatanggap na rin sila ng food packs mula sa lokal na pamahalaan ng Guinobatan.
Maliban dito, nagsagawa rin ng clearing operation sa nasabing barangay upang maalis ang mga debris na dulot ng pagbaha.
Tiniyak din ng alkalde sa mga residente ng Guinobatan na bukas ang kanilang tanggapan upang matulungan sila.
Samantala, binigyang diin ng opisyal na pinag-aaralan nila ang mga hakbang upang makagawa ng permanenteng solusyon at makontrol ang daloy ng baha sa naturang barangay .