LEGAZPI CITY-Mag-oorganisa ang Albay Provincial Youth Development Office ng isang parangal at mga aktibidad sa darating na Agosto 30, 2025 para sa mga natatanging lider ng kabataan kasabay ng kanilang Outstanding Sangguniang Kabataan at Youth Organizations Awards and Recognition 2025 (OSKAR) sa mga komunidad ng lalawigan.


Ayon kay Provincial Youth Office Head Rhondon Ricafort, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, gaganapin ang nasabing aktibidad kasama ang Sangguniang Kabataan at mga youth leaders kasunod ng National Youth Month na ipagdiriwang tuwing buwan ng Agosto.


Dagdag pa ng opisyal na gaganapin ito sa Albay Astrodome sa Legazpi City kung saan magkakaroon ng iba’t ibang aktibidad tulad ng pagbibigay ng mga parangal sa mga outstanding youth development council sa lalawigan ng Albay.


Layunin din, aniya nito na kilalanin ang mga kabataan at ang kanilang mga serbisyo sa kanilang mga komunidad.


Sinabi man ni Ricafort na ang deadline para sa pagsusumite ng entries para sa nasabing paranagal ay sa darating na Agosto 18 at ang screening, evaluation, at judging ay gaganapin sa Agosto 20 ngayong taon.


Magbibigay din sila ng mga pagkain at suplay bilang premyo, gayundin ang monetary awards na nagkakahalaga ng P3,000 hanggang P5,000 sa mga indibidwal at grupo.


Kasama rin sa pagsusuri ang kanilang mga dokumentasyon hinggil sa kanilang mga proyekto sa kanilang mga komunidad na susuriin ng mga hukom na sibilyan at abogado.


Bibigyan din nito ng pagkakataon ang mga kabataan na pangalagaan ang kanilang komunidad at magsumikap na maging halimbawa sa bawat miyembro ng Sangguniang Kabataan para sa mas magagandang programa.


Mensahe pa ng opisyal sa mga youth organization, na makilahok sa nasabing mga aktibidad sa pamamagitan ng pag-scan ng kanilang qr code na maaaring i-download para sa kanilang aplikasyon at makilahok sa nalalapit na aktibidad upang ipakita na matibay ang mga kabataan sa lalawigan ng Albay.