LEGAZPI CITY—Nakapagtala ang Catanduanes Police Provincial Office ng 11 insidente na narespondehan mula Hulyo 1 hanggang Agosto 13 sa pamamagitan ng 5-Minute Response Time ng kapulisan.
Ayon kay Catanduanes Police Provincial Office Public Information Officer Police Lieutenant Colonel Rosalinda Gaston, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, karamihan sa mga narespondehang insidente ay mula sa bayan ng Virac at Bagamanoc.
Sa pamamagitan ng nasabing hakbang, naitala ng kanilang tanggapan ang ilang insidente tulad ng vehicular accidents, alarms and scandals, domestic violence, at mga naiwan na mga kagamitan sa mga pampublikong sasakyan—na agad namang nirespondehan ng kanilang mga kapulisan.
Dagdag pa ng opisyal, binigyan sila ng PNP Regional Office at ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes ng karagdagang communication equipment upang makatulong sa paggamit sa 5-Minute Response Time ng kanilang tanggapan.
Sa kasalukuyan, wala silang nararanasang mga paghihirap habang isinasagawa ang nasabing inisyatiba dahil na rin sa tulong ng Simulation Exercise.
Samantala, umapela naman ang opisyal sa mga mamamayan ng Catanduanes na gamitin ng maayos at tama ang 911 hotline number para sa kanilang mga concerns sa komunidad.