LEGAZPI CITY—Nakapagtala ng mga lahar deposits mula sa Bulkang Mayon sa Purok 4 at Purok 8, Barangay Masarawag, Guinobatan, Albay matapos ang mga naranasang pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan sa lugar.
Ayon sa Mayon Observatory Resident Volcanologist Deborah Fernandez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, umabot sa 0.2 metro hanggang 6.6 metro na lahar deposits ang nai-record ng kanilang tanggapan.
Aniya’y sa isinagawang ocular inspection sa lugar, nakita nila ang mga lahar deposits na tila’y mga maliliit na bato.
Sinabi rin ni Fernandez na ang nasabing lugar ay isa sa mga lahar prone area kaya kadalasan nakapagrerehistro rito ng lahar flow.
Samantala, patuloy naman sa pagpapaalala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko na iwasang pumasok sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) ng naturang bulkan, mag-ingat sa mga rockfall events o biglaang phreatic eruptions, at maging mapagmatyag partikular na ang mga residenteng nakatira malapit sa river channels.