LEGAZPI CITY—Nababahala ang isang grupo ng mga guro sa mga naitatalang karahasan sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga guro at estudyante.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimir Quetua, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dapat pag-aralan ng gobyerno ang pagdadagdag ng mga guidance counselor sa mga paaralan.
Ipinaliwanag ng opisyal na karamihan sa mga nagre-resolba sa mga isyu ng mag-aaral tulad ng bullying ay hindi mga guidance counselor—kundi mga guro na hindi espesyalista sa pamamahala ng mga ganitong sitwasyon.
Dahil dito, aniya, makatutulong ang mga rehistrado at may sapat na traininings guidance counselors upang makapagbigay ng mga mekanismo, programa at psychosocial support sa mga mag-aaral na mayroong mga hindi magagandang karanasan sa paaralan; gayundin upang maiwasan o mabawasan ang mga ganitong insidente ng karahasan.
Binigyang-diin din ni Quetua na dapat ding tingnan ng gobyerno kung bakit nangyayari ang mga insidenteng ito dahil hindi lang ito simpleng insidente sa mga paaralan kundi maaaring maiugnay sa mga isyu sa komunidad.