LEGAZPI CITY-Suportado ng Albay 1st district Representative ang imbestigasyon na isinasagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa umano’y mga anomalya sa flood control projects.


Ayon kay Albay 1st district Congresswoman Krisel Lagman-Luistro, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, walang ibinunyag na anomalya ang pangulo at hindi kataka-taka na may mga proyektong napupunta sa mga kontratista, na mayroong anggulo at konektado sa mga nasa pulitiko.


Dagdag pa niya, ayaw niyang isipin na hindi mahalaga ang flood control projects, na nabigo ang mga proyekto at ibinulsa ito ng mga contractor.


Aniya, ipauubaya na rin niya sa Pangulo ang nasabing imbestigasyon ngunit nakababahala ang pagtatanggal ng budget para sa susunod na taon dahil makakaapekto ito sa mga komunidad lalo na sa bayan ng Albay tulad ng Malinao, Malilipot, at Bacacay kung saan mayroong mga flood prone areas.


Dagdag pa ng opisyal, hindi siya tutol sa mga pahayag ng Pangulo hinggil sa flood control, at sakaling magkaroon ng anomalya hinggil dito, kailangan ang transparency at accountability, hindi lamang sa mga pribadong contractor kundi maging ang lokal na pamahalaan.