LEGAZPI CITY-Inilipat na ng puwesto an mga nagtitinda sa parte ng Legazpi Boulevard kasunod ng direktiba ng lokal na pamahalaan at ng ilang grupo sa lungsod matapos ang mga ilang reklamo ukol dito.
Ayon kay Legazpi Task Force Kalinisan at Kaayusan Head Andy Marbella, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, maganda ang naging dry-run ng kanilang direktiba dahil sinunod ito ng mga vendor at nasolusyunan ang kanilang problema.
Dahil dito, papayagang silang magtinda mula alas 4:00 ng hapon hanggang alas 12:00 ng gabi at hiniwalay na ang mga nagtitinda ng pagkain sa mga nagtitinda ng kagamitan, para aniya, maging organisado ang lugar.
Dagdag pa ni Marbella, na pagkatapos magtinda ay hinihiling sa kanila na linisin ang kanilang mga basura bago umalis sa lugar at inaabisuhan na kung saan sila naka-puwesto ay doon na lamang sila magtinda upang maiwasan ang anumang problema at hindi pagkakaunawaan.
Umaasa ang opisyal na magiging solusyon ito sa kanilang problema at magiging malaking tulong din ito para sa kanilang commitment o sa kanilang trabaho lalo na sa nalalapit na fiesta sa ciudad.