Philippine Army forces have discovered two suspected bomb factories owned by rebel groups in different locations in Masbate province.

LEGAZPI CITY – Nadiskubre ng pwersa ng Philippine Army ang dalawang pinaghihinalaang bomb factory na pag-aari ng mga rebeldeng grupo sa magkaibang lokasyon sa lalawigan ng Masbate.


Ayon kay 9th Infantry Division public affairs office chief Major Frank Roldan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, narekober nila ang mga pampasabog, magazine, bala at kagamitan sa paggawa ng landmines dahil sa impormasyong kanilang natanggap mula sa isang dating rebelde.


Binigyang-diin din niya na hindi lamang mga sundalo ang posibleng masugatan kapag sumabog ang mga bomba kundi maging ang mga sibilyan at kamag-anak ng mga gumagawa nito habang mahigpit na ipinagbabawal ng international humanitarian law ang paggamit, paggawa at transportasyon ng mga pampasabog.


Hindi rin nila isinasantabi ang posibilidad na may iba pang pabrika sa lugar dahil base sa kanilang datos, mataas pa rin ang bilang ng mga miyembro ng mga rebeldeng grupo sa Masbate kaya nagdagdag sila ng mga tropa para pagtuunan ng pansin ang kanilang operasyon.


Sinabi ng opisyal na ipagpapatuloy nila ang kanilang opensiba laban sa rebeldeng grupo at makikipagtulungan sa mga komunidad para wakasan ang insurhensya sa rehiyon.


Nilinaw din ni Roldan na hindi nila ilalabas ang pagkakakilanlan ng mga nag-uulat at nagbibigay ng impormasyon at ibe-verify nila ito bago magsagawa ng operasyon.