LEGAZPI CITY-Inilalatag na ng Legazpi City Public Safety Office ang kanilang mga plano para sa seguridad para sa nalalapit na Ibalong Festival sa Legazpi ngayong buwan ng Agosto, petsa 11-16.
Ayon kay Legazpi PSO Chief Octavio Rivero, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, handa na ang kanilang grupo sa mga kaganapan sa Ibalong Festival kung saan magkakaroon ng assessment ang kanilang mga tauhan upang makatulong na maging matagumpay ang festival sa lungsod.
Aniya, mayroon silang road plans ngunit hindi pa ito mailalabas dahil hindi pa ito napipirmahan.
Bukod sa pagiging handa, nagkahanda na rin sila ng traffic advisories at bukod pa dito, ipagpapatuloy nila ang kanilang trabaho kahit umulan o uminit sa araw ng festival.
Dagdag pa ni Octavio, isang non-government Organization (NGO) ang nakipag-ugnayan din sa kanila para magpabot ng tulong sa kanilang nalalapit na mga operasyon.
Kasama rin ng grupo ang mga pulis, at ang Legazpi Task Force Kalinisan at Kaayusan sa pagsasaayos ng mga parking area at espasyo para sa mga sasakyan at mga magbi-bisita sa lungsod.
Ang kanilang mga tauhan ay nagbabantay na din sa mga paaralan sa parte ng University of Santo Tomas-Legazpi, sa Bagumbayan, at Cabangan para sa pagsasaayos ng trapiko.
Samantala, patuloy din ang pagbabantay ng grupo sa mga umano ay sagabal sa mga jogging lanes partikular na sa malapit sa Sawangan park at Boulevard, kung saan maraming nagtitinda umano ang nirereklamo na sa lugar.
Sinabi rin ng opisyal na magpapatuloy ang kanilang clearing operations para sa kanilang pangangasiwa para sa mga residente.