LEGAZPI CITY—Tinatayang nasa mahigit 500,000 residente ang ipinalilikas sa Japan matapos ang mga naitalang malalakas na pag-ulan sa lugar.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Japan Hannah Galvez, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, patuloy na nakararanas ng malakas na pag-ulan partikular sa katimugang bahagi ng Japan kung saan tinawag itong “record breaking” dahil limang beses itong mas maraming binubuhos na ulan sa isang araw pa lamang, kumpara sa dating 110 millimeters.
Naitala rin ang pag-apaw ng mga ilog, mudslides at landslides na nagresulta sa paghinto ng mga transportasyon, gayundin na naapektuhan ang kalakalan ng mga produkto.
Maliban dito, mayroon ding mga naitalang nawawalang tao dahil sa pag-uulan sa naturang bansa.
Aniya, mahigit sa 530,000 indibidwal ang iniulat na ipinalilikas sa bahagi ng Kagoshima.
Habang sa bahagi ng Kumamoto, aabot sa 130,000 indibidwal ang ipinalilikas din dito.
Dagdag pa ni Galvez, patuloy ang pagbibigay ng tulong ng mga lokal na pamahalaan sa Japan sa mga apektadong residente.
Samantala, wala pa aniya silang datos kung may mga Pilipino na lumikas dahil na rin sa biglaang pag-ulan sa ilang lugar sa southern Japan.