
LEGAZPI CITY – Samu’t saring reaksyon ang nararamdaman ngayon ng Commission on Elections Bicol matapos ang pagtatapos ng 10 araw na voters registration.
Ayon kay Commission on Elections Bicol Director Atty. Jane Valeza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na ikinatutuwa nila na naging positibo ang turn-out ng registration habang sila ay nalulungkot din dahil marami ang naapektuhan ng cut-off at ang kanilang kasamahan ang namatay matapos atakihin sa puso habang nasa kalagitnaan ng registration.
Ilan sa kanila ay na-accommodate nila ng hanggang 12:00 ng hatinggabi ngunit hindi naman kinayanan ng kanilang voters registration machine dahil ang iba ay nagshutdown habang ang iba ay nag-auto lock.
Paliwanag niya, naka-lock ang machine nang sumapit ang alas-12:00 ng umaga noong Agosto 11 at kailangan pa ng pahintulot mula sa Comelec central office para muling buksan ang nasabing makina.
Sinabi ng opisyal na anim na munisipalidad ang hindi nakatapos ng voters registration dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng depektong voters registration machine, at biglaang pagdagsa ng mga gustong magparehistro.
Marami umanong tao na sumama ang loob sa kanilang tanggapan dahil sa cut-off ngunit ipinunto rin niya na ibinase lamang nila ang desisyon sa kapakanan ng kanyang mga tauhan at mga kabataan.
Kinailangan din nilang mag-augment dahil karamihan sa kanilang mga tauhan ay nagkasakit na dahil sa kawalan ng pahinga sa buong panahon ng voters registration.
Sinabi rin ni Valeza na ayon sa kanilang inisyal na datos, umabot sa humigit-kumulang 207,000 ang kabuuang bilang ng mga nagparehistro sa Bicol region.