LEGAZPI CITY—Posibleng pumasok ang binabantayang Tropical Storm na may international name na “Podul” sa Philippine Area of Responsibility sa Linggo ng gabi, Agosto 10, o Lunes nang maaga, Agosto 11, ayon sa state weather bureau.


Ayon kay Weather Specialist Ruth Pacala, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kung sakaling pumasok ito sa PAR ay tatawagin itong bagyong “Gorio” (local name) at ang tracking nito ay patungo sa bahagi ng Extreme Northern Luzon.


Giit ng opisyal, wala itong direktang epekto sa kalupaan kung tuluyan man itong pumasok sa PAR.


Gayunpaman, ang lokasyon nito ang posibleng muling humatak ng habagat na maaaring magdulot ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa Lunes o Martes.


Samantala, ayon sa PAG-ASA, ang Tropical Depression “Fabian” ay humina at naging Low Pressure Area at malabo na ulit na maging tropical depression ito.


Sa kasalukuyan, patuloy na nakakaapekto ang Southwest Monsoon sa ilang bahagi ng bansa.