LEGAZPI CITY—Umabot na sa 131,073 magsasaka sa Bicol na nakarehistro sa Rice Farmers Financial Assistance ang nakatanggap na ng P7,000 na tulong mula sa Department of Agriculture.
Ayon kay Department of Agriculture Bicol Spokesperson Love Guarin, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ay 92% ng kanilang kabuuang target—kung saan kanilang target ay mabigyan ang nasa 142,600 magsasaka mula sa anim na lalawigan ng rehiyon ng Bicol.
Aniya, ang ilang natitirang hindi pa nakakakuha ng asistensya ay maaaring hindi pa hawak ang kanilang mga cash card, nagkaproblema sa kanilang impormasyon o hindi pa nasasabihan patungkol sa nasabing tulong.
Dahil dito, pinayuhan ng opisyal ang mga benepisyaryong magsasaka na may problema sa kanilang mga cash card na makipag-ugnayan sa kani-kanilang Municipal Agricultural Offices.
Dagdag pa ni Guarin na maaaring makakuha ang mga magsasaka ang nasabing tulong sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa Rice Farmers Financial Assistance kung saan makakakuha ng form sa Municipal Agricultural Offices.
Binigyan-diin naman ng opisyal na ang makakakuha ng tulong ay ang mga magsasaka na may sinasaka na dalawang ektarya pababa.