LEGAZPI CITY—Nasamsam ang isang hindi lisensyadong kalibre .45 na baril sa isang lalaki sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga awtoridad sa Area 7, Barangay Poblacion, Aroroy, Masbate
Ayon kay Aroroy Municipal Police Station, Deputy Chief of Police, Captain Antonio Padilla, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isinagawa ang operasyon alinsunod sa search warrant na inisyu ni Hon. Jose Ronald M. Bersales, Executive Judge ng RTC 5th Judicial Region, dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 partikular sa Section 11 (illegal possession of dangerous drugs) at Section 12 (possession of drug paraphernalia).
Isang street-level drug personality ang target umano sa operasyon na kinilalang si alyas “Gatoy”, 46-anyos, at isang barangay tanod ng nasabing barangay.
Sa ngayon, nananatiling at large ang suspek matapos itong hindi matagpuan sa kanyang bahay nang isinagawa ang operasyon.
Dagdag pa ng opisyal na sa kabila nang walang narekober na iligal na droga at paraphernalia, nakumpiska naman nila ang isang kalibre .45 na baril at isang magazine na may sampung basyo ng bala sa tirahan ng suspek.
Aniya’y wala umanong maipakitang dokumento ang mga kaanak ng suspek na nagpapatunay sa kanyang legal na pagmamay-ari ng baril.
Patuloy aniya na nagsasagawa ng manhunt operation ang kanilang ahensya upang maaresto agad ang suspek.
Samantala, umapela rin si Padilla sa publiko kung mayroon silang anumang impormasyon na makapagtuturo sa suspek na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang maresolba ang kasong kinakaharap nito.