LEGAZPI CITY—Pansamantalang dumaong ang isang malaking bangka sa dalampasigan ng Barangay Batolinao, Baras, Catanduanes dahil sa malalakas na alon na dulot ng hanging habagat.

Ayon kay Baras Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Head, Engineer Khalil Tapia, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi makapaglayag nang maayos ang nasabing bangka kaya pansamantala itong nanatili sa nasabing barangay.

Aniya, dumaan umano ang mga tripulante nito sa Bato, Catanduanes dahil may kasama pa silang crew mula sa probinsya ng Albay ngunit nang papaalis na ito upang magpalaot ay hindi na sila nagpatuloy dahil sa malakas na alon sa karagatan.

Dahil dito, hindi na sila bumalik sa bayan ng Bato at nanatili sa pinakamalapit na lugar sa Barangay Batolinao.

Dagdag pa ni Tapia na nasa 20 tripulanteng lulan nito ang mula sa Albay habang ang 10 pang tripulante ay mula rin sa Barangay Pananaogan, Bato, Catanduanes.

Patuloy naman ang paalala ng MDRRMO Baras at Philippine Coast Guard sa mga mangingisda na huwag pumalaot lalo na kung masama ang panahon sa naturang lugar.

Samantala, umabot na sa 1,000 mangingisda ang apektado ng sama ng panahon sa bayan ng Baras.