LEGAZPI CITY-Sinabi ng isang political analyst na maganda ang ilan sa konteksto ng ika-apat na SONA ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ngunit hihintayin niya ang mga susunod na aksyon ng kanyang pamunuan para sa mga problema ng bansa.

Ayon kay Political Analyst, Atty. Michael Henry Yusingco, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi nito na kung talagang seryoso ang pangulo sa kanyang mga pangako, hindi sapat ang mga salita o deklarasyon, at walang mapupuntahan kung walang aksyon.

Dagdag pa niya, sa hamon ng Pangulo na usigin at ikulong ang mga nasa likod ng flood mitigation projects, depende ito sa itatalaga niyang ombudsman, na hindi dapat matakot at sumuko sa mga political dynasties sa gobyerno.

Nais din sana ni Atty. Yusingco na banggitin ng pangulo ang self-reliant defense posture act na mahalaga sa depensa ng bansa at kwestyunin ang mga susunod na hakbang at proseso ukol dito.

Dagdag pa niya, maraming batas ang iminungkahi para mapuksa ang katiwalian sa Pilipinas ngunit ilan sa mga ito ay hindi naipapasa sa Senado.

Sinabi ni Yusingco na sumang-ayon siya sa ilang pahayag ni Pangulong Marcos ngunit nadismaya rin siya sa parte ng SONA kung saan inihayag ng Pangulo ang mahabang pagtalakay sa kanyang mga nagawa.