LEGAZPI CITY—Pinangunahan ng Albay Provincial Social Welfare and Development Office ang pamamahagi ng nasa 900 sako ng bigas sa mga local government unit (LGU) ng lalawigan, ito ay matapos na makaranas ng masamang panahon sa naturang lugar.

Ayon kay Albay Provincial Social Welfare and Development Office Head Ma. Vivien Cea, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 50 sako ng bigas ang ipinamahagi sa 18 LGUs bilang tulong sa mga residente ng lalawigan na naapektuhan ng malalakas na pag-ulan.

Naipamahagi na aniya ang mga sako ng bigas sa 13 lungsod at munisipalidad ng Albay noong Biyernes, Hulyo 25.

Samantala, nakatakda rin na makatanggap ng mga sako ng bigas ang natitirang limang munisipalidad katulad ng Manito, Rapu-Rapu, Polangui, Jovellar, at Libon sa Lunes, Hulyo 28.

Layunin ng hakbang na ito na masuportahan ang mga pamilyang naapektuhan ng sama ng panahon partikular na ang mga hindi pa nakakapaghanapbuhay dahil sa matinding pag-uulan.

Binigyan-diin din ng opisyal na makatatanggap ng limang kilo ng bigas ang bawat pamilya sa lalawigan.

Samantala, ang pamamahagi ng nasabing tulong ay isang augmentation support mula sa pamahalaang panlalawigan ng Albay bilang karagdagang tulong sa mga apektado ng malalakas na pag-uulan at habagat.