LEGAZPI CITY—Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na may mga naitalang maliliit na lahar flow partikular na sa Masarawag River sa Barangay Masarawag, Guinobatan, Albay.
Ito ay matapos ang naranasang mga pag-ulan na dala ng habagat sa lalawigan.
Ayon kay PHIVOLCS, Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief, Mariton Bornas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi maiiwasan ang banta ng pagdaloy ng lahar sa nasabing bulkan dahil nakaipon ang maraming pyroclastics deposits sa slope nito kasama na ang mga matagal nang deposito ng uson o pyroclastic density current na maaaring dumaloy lalo na kung masama ang panahon.
Dagdag pa ng opisyal, patuloy rin nilang binabantayan ang mga rockfalls gayundin ang mga magiging resulta ng mga naitalang pamamaga ng bulkan.
Binigyang-diin din ni Bornas na ang naitalang lahar flow ay hindi kasing sama kumpara noong mga nakaraang taon.
Maliban dito, sinabi rin ng opisyal na ang malalakas na pag-ulan ay maaaring makapag-trigger ng lahar flow sa lahar channels sa lalawigan.
Samantala, pinaalalahanan din ng opisyal ang publiko na iwasang pumasok sa 6 kilometer radius Permanent Danger Zone dahil nananatili aniya sa Alert Level 1 ang bulkang Mayon at may posibilidad pa rin ito na magkaroon ng phreatic eruption.
Gayundin ang pagiging mapagmasid sa mga ilog na maaaring daanan ng mga lahar upang makapaghanda sa kung ano man ang magiging sitwasyon sa kanilang mga lugar.