LEGAZPI CITY-Kinuwestiyon ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang 520 flood control projects ng kasalukuyang administrasyong Marcos dahil sa malawakang pagbaha sa National Capital Region.
Ayon kay PISTON President Mody Floranda, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, malaki ang epekto nito sa mga jeepney driver at iba pang pampublikong sasakyan dahil sa malawakang pagbaha partikular sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Sa halos 5 araw na pag-ulan, naapektuhan ang pampublikong transportasyon at mga commuter.
Apektado rin aniya ang kanilang grupo dahil simula noong Biyernes ay karamihan sa mga tsuper ay walang kabuhayan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-ulan sa mga lugar sa Metro Manila, at nananawagan ang grupo sa mga may kakayahang tumulong para sa mga driver at lahat ng pampublikong sasakyan.
Sinabi rin ng opisyal na magbibigay sila ng tulong para sa mga mamamayan at hinimok ang lahat na ilantad ang kapabayaan ng administrasyon dahil sa mga baha na nararanasan sa bansa.