
LEGAZPI CITY – Nagpapasalamat ang Pamahalaang Panlalawigan ng Catanduanes sa Diyos na hindi direktang tinamaan ng Bagyong Crising ang kanilang lugar.
Gayunman, nilinaw ni Governor Patrick Azanza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na marami pa rin ang apektado ng epekto nito partikular na ang mga mangingisda kaya agad silang nagbigay ng tulong.
Na-prepositioned na nila ang mga relief goods sa mga munisipalidad na nauna nang naiulat na direktang apektado ng nasabing bagyo tulad na lamang ng mga bayan ng Viga, Bagamanoc, Panganiban, Gigmoto, at Pandan.
Agad din silang nagpadala ng isang trak ng Department of Social Welfare and Development foodpacks sa mga lugar na walang naka-preposition na mga supply para agad itong makapamahagi kung sakaling mapinsala ang mga bayan ng naturang sama ng panahon.
Mahigpit ding ipinagbabawal ng opisyal ang pakikialam ng mga pulitiko sa pamamahagi ng foodpacks para maiwasan ang mga tradisyunal politicians o “Trapo”.
Kung talagang gusto aniya ng mga pulitiko na bumaba sa kanilang mga nasasakupan, hindi sila dapat sumabay sa pamamahagi ng foodpacks kundi magsagawa rin sila ng sariling assessment at pangangamusta sa kanilang mga mamamayan.
Sa ngayon, wala pa silang natatanggap na ulat ng malalang insidente sa lalawigan o apektadong residente dahil sa malakas na pag-ulan.
Binigyang-diin ni Governor Azanza na hindi pa nagre-renew ng memorandum of agreement ang lalawigan at apat na munisipalidad sa DSWD upang agad nilang ma-access ang prepositioned relief food packs na kailangan sana sa naturang sitwasyon.