LEGAZPI CITY-–Inirereklamo ng ilang nagtitinda ang mabahong amoy ng septic tank sa New Albay Public Market sa Legazpi City.
Ayon sa isang magtitindana si alyas “Nelly” sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, matagal na nilang nararanasan ang nag-aalingasaw na amoy mula sa walang takip na septic tank sa nasabing lugar.
Ayon pa sa ibang nagtitinda sa lugar na ang amoy ng septic tank ay galing umano sa comfort room sa opisina na nasa itaas ng public market.
Dagdag pa ni alyas “Nelly” na umaapaw minsan ang septic tank na nagreresulta sa mabahong amoy sa nasabing palengke.
Ayon sa kaniya ito ay isang malaking problema partikular na sa mga nagtitinda malapit sa septic tank.
Idinulog na ang reklamo sa market administration at nasa proseso na umano ang aksyon.
Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nila nakikita ang aksyon na ipinangako sa mga nagtitinda rito.
Samantala, halos nasa kalahating taon nang naoobserbahan ang mabahong amoy ng septic tank sa lugar.
Nais ngayon ng mga nagtitinda na mapabilis ang pagkilos dahil nakakaapekto ito sa kanilang kabuhayan.