LEGAZPI CITY—Nananatiling nasa normal na kondisyon ang biyahe sa mga pantalan ng Bicol region sa kabila ng banta ng binabantayang bagyong na si Tropical Depression ‘Crising’.
Ayon kay Philippine Ports Authority Bicol Media Relations Officer Achilles Galindes, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa kabila ng wala pang wind signal sa alinmang bahagi ng Bicol, patuloy pa rin ang kanilang pagbabantay sa kalagayan ng nuturang sama ng panahon.
Aniya, nasa red alert status na rin ang buong Philippine Ports Authority Port Management Office Bicol at binabantayan ang track ng bagyong Crising.
Dahil din sa posibleng ilagay sa Tropical Wind Signal 1 ang lalawigan ng Catanduanes, maaaring masuspinde ang biyahe ng mga barko sa nasabing lalawigan kaya naghahanda na ang kanilang ahensya.
Dagdag pa ni Galindes, pinayuhan na nila ang kanilang mga tauhan na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at coast guard substations para sa mga kinakailangang preparasyon.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga shipping lines at mga kapitan ng barko na obserbahan ang mga pag-iingat upang matiyak na sinusunod ang mga safety protocols.
Apela rin ng opisyal sa publiko na manatiling alerto sa kasalukuyang kondisyon ng panahon dahil maaaring makaapekto ito sa mga biyahe sa mga pantalan ng Bicol.