
LEGAZPI CITY – Naglabas ng pahayag ang mga opisyal ng Barangay Binitayan, Daraga, Albay hinggil sa mga reklamo ng mga residente laban sa isang local food manufacturing establishment.
Ayon kay Kapitan Michael Rodrigueza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, problema ng mga residenteng nakatira sa tabi ng inirereklamong food manufacturing ay ang ingay at water waste na dumadaloy sa public drainage na umabot sa Barangay Maroroy.
Nang masumbong umano ang mga residente ay agad silang nagpatawag ng pulong at sinubukang ayusin ang lahat sa barangay ngunit tumanggi ang mga residente at ini-akyat nila ang reklamo sa sangguniang bayan ng Daraga.
Sa isinagawang pulong din sa sangguniang bayan, napag-usapan ang pinal na desisyon sa planta kung saan nabatid na dapat itong nakatayo sa industrial zone at hindi sa residential area.
Sinabi rin ng opisyal na binigyan na ng ultimatum ng hanggang isang taon ang kumpanya para umalis at ayusin ang mga problemang ibinabato sa kanila ng mga residente habang nakatakda rin ang barangay na magsagawa ng surprise inspection kasama ang team ng LGU Daraga sakaling maayos ang mga problema upang makita kung muli silang makapag-operate.
Nilinaw niya na gumagawa na rin ng mga hakbang ang kumpanya para pagandahin ang mga makinang ginagamit sa paggawa ng pagkain na nagdudulot ng sobrang ingay sa katabing tirahan gayundin ang pagsasagawa ng siphoning upang maalis ang sanhi ng masamang amoy sa drainage system.
Umapela siya sa mga nagrereklamo na bigyan ng panahon ang kumpanya na makapaghanap ng malilipatan dahil bukod sa negosyo, maaari ring mawalan ng trabaho ang mga manggagawa nito.
Iginiit din ni Rodrigueza na bilang opisyal ng barangay, ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho nang walang kinalaman ang pulitika.