Mariing itinanggi ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga alegasyong itinanim lamang ang mga sakong nakuha nila sa Taal Lake sa gitna ng nagpapatuloy na search and retrieval operations para sa mga nawawalang sabungero.
Sa isang panayam, sinabi ni PCG spokesperson Captain Noemi Cayabyab na lehitimo ang kanilang isinasagawang operasyon at bahagi ito ng pormal na imbestigasyon sa kaso ng 34 na sabungerong nawawala mula pa noong 2021.
Ayon sa PCG, lima na ang na-retrieve na sako mula sa ilalim ng lawa.
Dalawa sa mga ito ay pinaniniwalaang may lamang buto, isa ay may mga sunog na buto, at ang natitira naman ay may lamang mga bato.
Isa sa mga hamong kinakaharap ng kanilang divers ay ang mahinang visibility at putik sa ilalim ng lawa.
Bukod dito, ang tagal ng operasyon ay naka-depende rin sa kondisyon ng panahon, lakas ng agos, at alert level ng Bulkang Taal.
Naglabas din ng underwater video footage ang PCG bilang patunay ng kanilang operasyon sa ilalim ng lawa.
Ang search and retrieval operation ay sinimulan base sa impormasyong ibinigay ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas Totoy, na nagsabing patay na ang mga sabungero at isinawalat ito sa mga pamilya ng mga biktima.
Ayon sa tala, 34 na sabungero ang iniulat na nawawala mula Abril 2021 hanggang Enero 2022.
Karamihan sa kanila ay nawala mula sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Bulacan, Rizal, at Maynila.
Isang sako ang nakumpirmang kinuha mula sa mismong tahanan ng biktima.