LEGAZPI CITY—Arestado ang isang lalaki matapos ibenta ang mga ninakaw na gamit galing sa isang tindahan sa Legazpi City.
Ayon kay Legazpi City Police Station, Public Information Officer, Police Executive Master Sergeant Carlos Paña, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bago naaresto ang suspek, nag-report sa kanilang tanggapan ang isang complainant na nawawala ang kanyang mga ibenebentang sombrero sa isang establisyimento sa Peñaranda St. kung saan nagkakahalaga ito ng P450 bawat isa.
Dahil dito, agad na nagsagawa ang operasyon an kanilang mga tauhan hinggil sa insidente.
Aniya, naging malaking tulong din ang nakuhang CCTV footage sa lugar upang matunton ang suspek.
Dagdag pa ng opisyal, nakatanggap ng impormasyon ang kanilang kasamahan na may nagbebenta umano ng kaparehong gamit sa Barangay San Roque, Legazpi City.
Kasama ang complainant pinuntahan nila ang lugar at dito nakumpirma na ito ang mga nawawalang gamit sa kanyang tindahan.
Matapos ang kumpirmasyon, agad na dinala sa kustodiya ng Legazpi CPS ang suspek at posible itong mahaharap sa kasong Anti-Fencing Law.
Samantala, mensahe rin ni Paña sa publiko na maging mas alerto at maaari ring maglagay ng CCTV camera ang mga establisyimento dahil makakatulong ito sa mga awtoridad sa pag-iimbestiga sa mga katulad nitong insidente.