LEGAZPI CITY—Nasamsam ang nasa P1,360,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang indibidwal sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Bulusan, Libon, sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay Libon Municipal Police Station Deputy Chief of Police Captain Merwin Lingcaso, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang lalaki na 37 taong gulang, may asawa, delivery rider at residente ng Barangay East Washington Drive, Legazpi City sa kaparehong lalawigan.
Isa umano ang suspek sa mga high-value individual at matagal na nila itong minamanmanan.
Arestado ang suspek matapos itong magbenta ng isang knot tied plastic bag na naglalaman ng 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000 sa isang police poseur buyer kapalit ng buy-bust money ng isang piraso ng genuine P500 bill na nakalagay sa iba’t ibang denominasyon ng boodle money na may halagang P97,500.
Sa isinagawang body search, nasamsam din mula sa suspek ang mahigit 150 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ngayon ng Libon MPS ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dagdag pa ni Lingcaso, isa ito sa pinakamalaking halagang nasabat sa isinagawang drug buy bust operations sa nasabing bayan.
Samantala, patuloy din aniya, ang pinapaigting na pakikipaglaban sa iligal na droga at iba pang ilegal na aktibidad upang mapanatiling mapayapa ang nasabing komunidad.