Sugatan ang isang manggagawa matapos pagsasaksakin ng kanyang kaanak sa Barangay Cogon, Panitan, Capiz.
Kinilala ang biktima na si Eddie Tomano Batuigas, 46, habang ang suspek ay kinilalang si Pacifico Dela Cruz Batuigas, 59, kapwa residente ng Sitio Kalye 13, ng nasabing Barangay.
Sa impormasyon ng Panitan Municipal Police Station, habang isinasara ng biktima ang kanilang bakod na kawayan ay nilapitan siya ng suspek na noon ay lasing.
Sinabihan ng biktima na umuwi na ang suspek, ngunit sa halip na umuwi ay biglang kumuha ng kutsilyo ang suspek at sinaksak sa kaliwang braso ang biktima.
Nagpumiglas pa ang dalawa at pareho silang bumagsak sa lupa.
Agad namang dinala sa Bailan District Hospital ang biktima para sa kaukulang lunas.
Narekober sa pinangyarihan ang isang 22-pulgada na kutsilyong pansaksak.
Samantala, kusang sumuko ang suspek sa Panitan Municipal Police Station (MPS) at nananatili sa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.