
LEGAZPI CITY – Tahasang inamin ni Catanduanes Governor Patrick Azanza na nakakatanggap na siya ng mga death threat ilang araw matapos ang kanyang pag-upo sa pwesto.
Sinabi nito sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kahit kakapanalo niya pa lamang sa naturang posisyon ay may natatanggap na siya na pananakot at pagbabanta sa kaniyang buhay.
Dahil dito ay nagdagdag siya ng seguridad at nakipag-pulong kay Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Nicolas D. Torre III.
Diretsong sinabi ni Gov. Azanza sa dalawang mataas na opisyal na ayaw niyang mangyari sa kaniya ang sinapit ni Former Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Personal niya rin na hiniling sa hepe ng pambansang polisya na palitan ng mapagkakatiwalaan na provincial director ang Catanduanes Police Provincial Office para masiguro ang kaniyang seguridad at upang makatulong sa paglilinis umano ng kanilang lugar.
Sinabi rin ng kaniyang abogadong si Atty. Ramil Tamayo na may pagkakapareho ang pattern niya sa mga hakbang na ginawa rin noon ni Gov. Degamo bago ito patayin.
Sa kabila ng mga natatanggap na death threat ay magpapatuloy pa rin ang kaniyang pagsisilbi sa lalawigan dahil hindi lang quarrying ang kaniyang tinututukan kundi ay gusto niya ring masawata ang ilegal na pagmimina, ilegal na pagsusugal at iba pa.
Nanindigan si Governor Azanza na hindi siya matitinag sa mga serye ng pananakot sa kaniya dahil gusto niya lamang ay maitama ang mali at mabigyan ng magandang pamumuhay ang kaniyang nasasakupan.