LEGAZPI CITY-Nag-anunsyo ang Public Safety Office ng P1,000 na multa para sa mga hindi awtorisadong vendor sa jogging lanes sa Barangay Puro sa Legazpi City.
Ayon kay Public Safety Office Legazpi Chief Octavio Rivero, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsagawa ng operasyon ang kanilang team sa mga jogging lanes para paalisin ang mga nagtitinda sa nasabing lugar dahil hindi ito ang tamang lugar para magtinda at apektado ang ilang indibidwal maging ang mga dayuhan na gustong bumisita at mag-jogging dito.
Dagdag pa ni Octavio, nakakalungkot man ang pagpapatalsik sa mga vendor, subalit isa itong ordinansa na ipinatutupad at hindi ito ang kagustuhan mismo ng kanilang grupo.
Aniya, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda sa mga jogging lane, dahil hindi lamang mga Pilipino ang bumibisita sa lugar, kundi pati na rin ang mga dayuhan.
Sa kasalukuyan, sa araw-araw na nagsasagawa ng clearing operations sa lugar, ngunit mayroon pa rin na hindi sumusunod sa ordinansa at nagmamatigas.
Nilinaw ng opisyal na para sa mga gustong magtinda, posible ito sa kanang bahagi ng Barangay San Isidro para makapag-hanapbuhay.
Samantala, mayroon din na mga iregular na mga sasakyan na nakakaapekto sa lugar at pumaparada sa mga prohibited lane.
Mensahe din ni Rivero sa mga nagtitinda sa jogging lanes, dapat sundin ang tama, at magtinda lamang kung saan hindi makakaapekto at hindi sila maaapektuhan.
Sa mga sasakyan naman na mismo aniya na pumarada sa mga lane, huwag iparada dito an kanilang mga sasakyan dahil nagdudulot ito ng traffic at abala sa lugar at maaaring magdulot rin ng posibleng aksidente.