LEGAZPI CITY – Tahasang inamin ng ACT Teachers Party-list na sila ang nasa likod ng inihain na resolution sa pagtutol ng interim release ni Former President Rodrigo Duterte at maging ang Anti-Political Dynasty Bill.
Ayon kay ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na dapat tumindig ang kongreso sa pagtutol sa paggawad ng interim release sa dating presidente dahil hindi magiging ligtas ang mga pamilya ng biktima ng madugong drug war ng kaniyang administrasyon.
Karamihan umano sa mga pulis na sangkot sa malawakang pagpatay ay kasalukuyang aktibo pa rin sa Philippine National Police na maaring magdulot ng banta sa mga potensyal na saksi ng International Criminal Court.
Ipinunto niya na sa pamamagitan ng nasabing resolusyon ay mabibigyan ng hudyat at babala ang iba’t ibang bansa sa mundo na huwag tanggapin ang pansamantalang pagpapahinga ng dating pinuno ng Pilipinas.
Samantala, sinabi ng opisyal na magiging mahirap ang pagtalakay ng anti political dynasty bill sa Kongreso ngunit magiging mahalaga ang papel ng publiko para ipanawagan ang pag-amyenda nito.
Nakikita rin niya na magiging mabagal ang pagpasa ng panukalang batas dahil halos 80 porsiyento ng mga kongresista ay mula sa mga political dynasty na pamilya kung saan kahit mga partylist ay sinakop na nila at hindi na kinakatawan ang marginalized sector.
Aniya, ang susi sa pagpasa ng anti political dynasty bill ay ang iparamdam sa publiko na sila ay sawa na sa political dynasties at nais ng pagbabago sa lipunan.
Binigyang-diin ni Representative Tinio na handa ang minorya at makabayan bloc na depensahan ang anti political dynasty bill at pagpigil ng interim release ni dating Presidente Rodrigo Duterte sa kabila ng kawalan ng suporta mula sa mayorya ng mga mambabatas sa 20th Congress.