LEGAZPI CITY—Patay ang isang 6-anyos na batang babae habang tatlo ang sugatan sa nangyaring sunog sa Purok 5, Brgy. Sinalongan, Masbate City.


Ayon kay Masbate City Fire Station Public Information Officer, Fire Officer 2 Mike Tiden Migo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, batay sa kanilang impormasyon, nangyari ang sunog dakong alas-3 ng madaling araw noong Miyerkules, Mayo 21, at kinalaunan ay idineklara itong fire out ng mga residenteng tumulong sa pag-apula ng apoy.


Sinabi ng opisyal na naiulat ang insidente sa kanilang tanggapan dakong alas-6 na ng umaga.


Dagdag pa niya, posibleng na-trap ang 6-anyos na bata sa loob ng nasusunog na bahay, at posibleng hindi na nailigtas dahil sa malakas na apoy.


Samantala, agad namang dinala sa ospital ang tatlong indibidwal na sugatan para sa karagdagang tulong medikal.


Tinatayang nasa P25,350 ang pinsala sa nasunog na tirahan.


Sa kasalukuyan, inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.


Samantala, pinaalalahanan din ng opisyal ang publiko na agad na magsumbong sa kanilang tanggapan kung sakaling magkaroon ng sunog upang agad din silang makaresponde.