LEGAZPI CITY—Nailigtas ang apat na Norwegian nationals sa isinagawang rescue operation ng Coast Guard District Bicol matapos magkaaberya ang sasakyang pandagat nito sa Cabugao Bay, Virac, Catanduanes.
Ayon kay Coast Guard District Bicol Public Information Office Coast Guard Ensign Alyzza Novie Bermal, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, base sa inisyal na ulat ng isang tauhan ng kanilang ahensya ay may isang distressed vessel umano sa nasabing karagatan kung saan ito ay agad na nakipag-ugnayan sa pinakamalapit na coast guard station upang maberipika ang vessel.
Isang hamon umano ang pakikipag-ugnayan sa distressed vessel dahil hindi ito tumutugon sa kanila kaya humingi sila ng tulong sa Tactical Operations Group (TOG) 5 ng Philippine Air Force para magsagawa ng aerial surveillance.
Nang matagpuan ang lugar at nakontak ang isa sa mga tauhan ng vessel ay agad na nagpadala ng rescue ang kanilang tanggapan gamit ang tugboat at naglunsad ng towing operation.
Dito ay hinila ang vessel patungo sa pantalan ng Catanduanes, gayundin para mabigyan ng kaukulang tulong ang mga lulan nito.
Nabatid na ang apat na Norwegian nationals ay galing sa Dinagat Islands, Surigao del Norte at patungo sa Okinawa, Japan.
Ayon sa opisyal, wala namang nasugatan sa apat na Norwegian nationals.
Samantala, mensahe rin si Bermal sa publiko na laging nakahanda ang kanilang ahensya na magbigay ng serbisyo publiko lalo na sa mga ganitong insidente ng barko o anumang emerhensya.