LEGAZPI CITY- Magkakasabay na nagsagawa ng final testing and sealing ang nasa 3, 097 voting centers o 5, 877 na mga presinto sa rehiyong Bicol.
Ito ay bilang paghahanda, pitong araw bago ang 2025 national and local elections.
Ayon kay Commission on Elections Bicol Director Atty. Jane Valeza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na layunin ng naturang aktibidad na makita ang lahat ng functionalities ng mga automated counting machines at iba pang mga gagamitin sa halalan.
Aniya, nagkaroon rin ng actual voting kung saan sampu sa kada presinto ang inanyayahan bilang test voters.
Personal rin na nagsagawa ng manual audit ang board of election inspectors upang makita kung tugma ang mga na-shade sa balota sa mismong election returns.
Matapos ito ay agad na si-selyuhan ang naturang mga makina kung saan magsisimula ng magbantay ang mga law enforcement agencies.
Samanta, sa mismong araw naman ng halalan ay muling bubuksan ang naturang mga automated counting machines.