LEGAZPI CITY—Binigyang-diin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na degassing activity at hindi phreatic eruption ang naitala sa Bulkang Bulusan noong Huwebes, Mayo 1, 2025.
Ayon kay Bulusan Observatory, Resident Volcanologist, April Dominguiano, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, posibleng may kasamang abo ang nasabing aktibidad ng bulkan.
Gayunpaman, sinabi ni Dominguiano na hindi pa rin inaalis ng ahensya ang isang bagong phreatic eruption ng Bulkang Bulusan.
Matatandaang naitala ang pinakahuling phreatic eruption ng bulkan noong Abril 29 kung saan naapektuhan ng ashfall ang mga bayan ng Irosin, Juban, at Bulan, Sorsogon.
Sa ngayon, patuloy pa rin umano ang flushing operation ang mga awtoridad upang maalis ang abo na ibinagsak ng Bulkang Bulusan.
Samantala, nagbabala rin ang opisyal sa publiko na iwasang pumasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at mag-ingat sa pagpasok sa 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ) dahil sa posibleng banta ng volcanic hazards mula sa bulkan.