Bulusan volcano eruption
Bulusan volcano eruption

LEGAZPI CITY—Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology Volcano (DOST-PHIVOLCS) na ang pinakahuling pagsabog ng Bulkang Bulusan noong Martes, Abril 29, ay maituturing na isang ‘major phreatic eruption’ simula noong Hunyo 2022.

Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief, Mariton Bornas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na ang pagsabog noong Martes ay nagrehistro ng mas mataas na seismic energy at mas malakas na pagsabog kumpara noong Lunes, Abril 28, at taong 2022.

Batay sa pinakahuling eruption bulletin ng ahensya, naranasan din ang ashfall sa ilang barangay sa mga bayan ng Irosin, Bulan at Juban, Sorsogon.

Dagdag pa ni Bornas, malaki pa rin ang posibilidad ng panibagong pagsabog ng nasabing bulkan.

Posible rin ang minor channel-confined lahar sa timog-kanlurang bahagi ng bulkan, dahil na rin sa mga kalat-kalat na pag-uulan sa lugar.

Kaya naman, binalaan din ng opisyal ang publiko tungkol sa panganib ng lahar na mula sa bulkan.

Samantala, patuloy ang paalala ng ahensya sa publiko na iwasang pumasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ) sa Southeastern sector dahil sa panganib na dulot ng Bulkang Bulusan.