
LEGAZPI CITY – Pormal nang nanumpa bilang kauna-unahang babaeng Governor ng Albay si acting Governor Glenda Bongao kasunod ng dismissal order ng Ombudsman sa dating gobernador na si Atty. Grex Lagman.
Matatandaan na tinanggal ng Ombudsman sa serbisyo si Former Albay Governor Grex Lagman matapos hatulang guilty sa kasong grave misconduct dahil sa pagtanggap umano ng pera mula sa jueteng operators.
Ayon kay Albay Governor Glenda Bongao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi na bago para sa kaniya ang nasabing posisyon dahil nagsilbi na ito bilang Acting Governor ng halos anim na buwan.
Aniya, ng matanggap niya ang letter na galing mismo sa na-dismissed na gobernador na binakante niya na ang kaniyang pwesto, inasahan niya na ang pag-upo bilang bagong gobernador.
Sinabi sa kaniya ni Lagman na ginawa niya agad ang pagbaba sa pwesto para hindi na maantala ang operasyon ng pamahalaang panlalawigan.
Sinabi pa ng gobernador na sa halos 6 months ng kaniyang paninilbihan bilang Acting Governor, hindi na nahirapan ang department heads sa kanilang gagawin sa transition hanggang sa ma-upo sa pwesto ang bagong mahahalal ngayong 2025 Midterm Election.
Ipapatuloy din umano ang mga programang nasimulan niya noong Acting Governor pa lamang ito hanggang sa matapos ang kaniyang termino.
Sa kabila ng lahat ng nangyari sa pulitika sa Albay kung saan na tatlong tao ang na-upo bilang gobernador sa isang termino, pinangako ni Governor Bongao na hindi makokompromiso ang ibinibigay nilang serbisyo publiko sa bawat Albayano.