A priest has called on the public not to bet on who will be the next Pope. Father Earl Allyson Valdez, in an interview with Bombo Radyo Legazpi, said that betting has become rampant following the conclave to be held after the Pope's funeral, where the names of three Filipino cardinals will be heard.

LEGAZPI CITY – Nanawagan sa publiko ang isang pari na wag pagpustahan kung sino ang susunod na magiging Santo Papa.


Ayon kay Father Earl Allyson Valdez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na naging talamak umano ang pustahan kasunod ng isasagawang conclave pagkatapos ng libing ng Santo Papa kung saan matunog dito ang pangalan ng tatlong pilipinong cardinal.


Aniya, sa halip na magpustahan ay dapat isipin ng lahat na pagdadaanan ng mga cardinal ang conclave sa mga susunod na araw bilang araw ng panalangin at kaakibat nito ang kanilang pagninilay-nilay kung saan na mapupunta ang simbahang katolika pagkatapos ng pamumuno ni Pope Francis.


Itatakda na rin umano ng mga Cardinal an petsa ng conclave kung saan dapat magsisimula ito ng hindi bababa sa 15 araw at hindi lalampas ng 20 araw matapos ang pagkamatay ng Santo Papa.


Sinabi pa ng naturang pari na sa kasalukuyan ay mayroong 135 na cardinal electors at 108 sa kanila ay itinalaga ni Pope Francis.


Ipapatawag din ang mga kardinal na wala pang 80 taong gulang at magtitipon para isagawa ang isang private voting.


Ang salitang “conclave” umano ay nangangahulugang “with a key,” na ang ibig sabihin ay kailangang manatili ng mga cardinal sa loob ng isang silid hanggang sa makapili ng bagong Santo Papa.


Binigyang diin ni Father Valdez na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbubunyag ng mga cardinal sa kahit anong impormasyon mula sa conclave at ang sinumang lalabag dito ay haharap sa karampatang parusa.