A Catholic Priest noticed that the rituals that will be performed at the burial of Pope Francis are the same as those that normal Christians also go through.

LEGAZPI CITY – Napansin ng isang Catholic Priest na karaniwang pinagdadaanan ng mga normal na Kristyano ang mga gagawing paraan ng mga ritwal sa paglilibing kay Pope Francis.


Ayon kay Father Earl Allyson Valdez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nakabase ito sa pananaw ni Pope Francis nang nabubuhay pa ito na sumisimbolo sa pagiging pastol at disipulo ni Kristo at hindi isang makapangyarihang tao sa mundo.


Kanina umanong alas sais ng gabi oras sa Vatican ng isinara na ang public viewing at alas otso ng gabi rin oras sa vatican nang isinagawa naman ang Rite of Sealing sa kabaong ng namalaam na lider ng simbahang katolika.


Aniya, nagbigay na lang siya ng taitimtim na panalangin sa Saint Peter’s Square dahil isa rin siya sa mga pumila at inabotan ng pagpapatigil ng Vatican Authorities sa public viewing.


Sinabi pa ng Pari na sa loob ng tatlong araw ng public viewing ay dumagsa ang mga mananampalataya sa iba’t ibang panig ng mundo para masilayan ang katawan ni Pope Francis sa huling pagkakataon.


Hindi rin umano inalintana ng mga deboto ang halos tatlo hanggang apat na oras na paghihintay sa pila para maparamdam ang kanilang pakikiramay sa pagkamatay ng pinuno ng simbahang katoliko.


Sa ngayon ay kailangan nilang makapunta ng maaga sa Saint Peter’s Basilica para makakuha sila ng mauupuan para sa gagawing funeral mass mamayang hapon oras sa Pilipinas.


Paglinaw ni Father Valdez na pagkatapos ng funeral mass ay mga Cardinal lamang ang papayagan na makapasok sa Basilica of Santa Maria Maggiore para sa pagdadala ng kabaong ng santo papa sa kaniyang huling himlayan.