Mayon volcano
Mayon volcano

LEGAZPI CITY- Mahigpit na kinontra ng ilang mga grupo ang planong Mayon lighting project o pagpapailaw sa bulkang Mayon.

Ayon kay Albay Biosphere Reserve Member and Lead writer Kurt Zepeda sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nakatanggap sila ng sulat hinggil sa umanoy public consultation sa planong pagpapa-ilaw sa bulkang Mayon, bagay na hindi nila sinusuportahan.

Aniya, malaki ang magiging epekto ng naturang proyekto sa wildlife at natural beauty ng bulkan, na isa sa mga ipinagmamalaki ng lalawigan ng Albay.

Dagdag pa ng opisyal na marami ang cultural values na kinakailangan na maprotektahan.

Ito lalo pa na mayroong inisyatibo ang pamahalaang panlalawigan ng Albay na mapabilang ang bulkang Mayon sa UNESCO World Heritage list kung saan kinakailangan na mapanatili ang natural na ganda nito.

Naniniwala pa si Zepeda na frontrunner ang Bulkang Mayon na mapabilang sa potential world heritage site kaya kinakailangan na mapangalagaan ito laban sa anumang uri ng mapaminsalang proyekto o aktibidad.

Samantala, nagpasalamat rin ang grupo sa malakas na paninindigan ng mga Albayano na maprotektahan ang Mayon volcano.