A motorcycle was set on fire and the window of a man's house was broken in Barangay Sta. Victoria, Ilagan City.

Sinunog ang  motorsiklo at pinagbibitak ang bintana ng bahay ng isang lalaki sa Barangay Sta. Victoria, Ilagan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong George Gallasinao, sinabi niya na nag-ugat ang nasabing insidente nang pagbawalan ng kaniyang nanay ang kaniyang kapatid at anak nito na kumuha ng panggatong dahilan kaya pinagbabato sila ng bote ng alak.

Sinaway umano niya ang mga ito ngunit sinabi niya ng kaniyang kapatid sa anak nito na barilin na nito si George kaya tumakbo naman siya at hinabol siya ng mag-ama.

Nang hindi umano siya nahabol ng mga ito ay bumalik sila sa bahay nito at pinagbibitak ang bintana ng kanilang bahay, tinaga ang kanilang mga upuan at sinunog ang kaniyang motorsiklo.

Dumating naman umano ang mga Barangay Officials at SWAT upang respondehan ang nangyayaring kaguluhan.

Naidulog naman na umano nila ito sa barangay ngunit hindi naman umano tinatanggap ng kaniyang kapatid ang summon na ibinibigay ng Barangay.

Iniulat din aniya nila ito sa himpilan ng pulisya ngunit sinabihan ang mga ito na ayusin muna sa Barangay.

Nais umano niyang magsampa ng kaso sa kaniyang kapatid at pabayaran lahat ng sinira ng mga ito.